عَنْ أَبِي رُقَيَّةَ تَمِيمِ بْنِ أَوْسٍ الدَّارِيِّ رَضِيَ اللَّهُ عَنْهُ أَنَّ النَّبِيَّ صَلَّى اللَّهُ عَلَيْهِ وَسَلَّمَ قَالَ:
«الدِّينُ النَّصِيحَةُ» قُلْنَا: لِمَنْ؟ قَالَ: «لِلهِ وَلِكِتَابِهِ وَلِرَسُولِهِ وَلِأَئِمَّةِ الْمُسْلِمِينَ وَعَامَّتِهِمْ».
[صحيح] - [رواه مسلم] - [الأربعون النووية: 7]
المزيــد ...
Ayon kay Abū Ruqayyah Tamīm bin Aws Ad-Dārīy (malugod si Allāh sa kanya): {Ang Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) ay nagsabi:
"Ang Relihiyon ay ang pagpapayo." Nagsabi kami: "Alang-alang kanino po?" Nagsabi siya: "Alang-alang kay Allāh, alang-alang sa Aklat Niya, alang-alang sa Sugo Niya, at alang-alang sa mga pinuno ng mga Muslim at madla nila."}
[Tumpak] - [Nagsalaysay nito si Imām Muslim] - [الأربعون النووية - 7]
Nagpabatid ang Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) na ang Relihiyon ay nakasalalay sa pagpapakawagas at katapatan nang sa gayon gampanan ito, gaya ng pag-obliga ni Allāh, nang kumpleto, nang walang pagkukulang o pandaraya. Kaya sinabi sa Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) kung alang-alang kanino ang pagpapayo? Kaya naman nagsabi siya: UNA: Ang pagpapayo alang-alang kay Allāh (kaluwalhatian sa Kanya at napakataas Siya) sa pamamagitan ng pagpapakawagas sa gawain ukol sa Kanya at hindi pagtatambal sa Kanya; pagsampalataya natin sa pagkapanginoon Niya, pagkadiyos Niya, at mga pangalan Niya at mga katangian Niya; pagdakila sa nauukol sa Kanya; at pag-aanyaya tungo sa pananampalataya sa Kanya. IKALAWA: Ang pagpapayo alang-alang sa Aklat Niya, ang Marangal na Qur'ān, sa pamamagitan ng paniniwala natin na ito ay Salita Niya at kahuli-hulihan sa mga kasulatan Niya at na ito ay tagapagpawalang-bisa sa lahat ng mga palabatasan bago nito, pagdakila natin dito, pagbigkas natin nito nang totoong pagbigkas nito, pagsasagawa natin ng isinatahasan dito, pagpapasakop natin sa isinatalinghaga rito, pagwawaksi natin ng pagbibigay-kahulugan ng mga tagapilipit nito, pagsasaalang-alang natin sa mga pangaral nito, pagpapalaganap natin ng mga kaalaman dito, at pag-aanyaya natin tungo rito. IKATLO: Ang pagpapayo alang-alang sa Sugo Niya, si Muḥammad (basbasan Niya siya at pangalagaan), sa pamamagitan ng paniniwala natin na siya ay ang kahuli-hulihan sa mga sugo, pagpapatotoo natin sa kanya sa anumang inihatid niya, pagsunod natin sa ipinag-uutos niya at pag-iwas natin sa sinasaway niya, hindi pagpapakamananamba natin kay Allāh malibang ayon sa inihatid niya, pagdakila natin sa karapatan niya, pagpipitagan natin sa kanya, pagpapakalat natin ng paanyaya niya, pagpapalaganap natin ng Batas niya, at pagkakaila natin ng mga paratang laban sa kanya. IKAAPAT: Ang pagpapayo alang-alang sa mga pinuno ng mga Muslim sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa kanila sa katotohanan, hindi pakikipag-agawan sa kanila sa katungkulan, at pakikinig at pagtalima sa kanila kaugnay sa pagtalima kay Allāh. IKALIMA: Ang pagpapayo alang-alang sa mga Muslim sa pamamagitan ng paggawa ng maganda sa kanila, pag-aanyaya sa kanila, pagpigil ng perhuwisyo sa kanila, pag-ibig ng kabutihan para sa kanila, at pakikipagtulungan sa kanila sa pagsasamabuting-loob at pangingilag sa pagkakasala.