+ -

عن أبي سعيد الخدري رضي الله عنه قلنا يا رسولَ الله، هل نرى ربَّنا يوم القيامة؟ قال: «هل تُضَارُّون في رؤية الشمس والقمر إذا كانت صَحْوًا؟»، قلنا: لا، قال: «فإنكم لا تُضَارُّون في رؤية ربِّكم يومئذ، إلا كما تُضَارُّون في رؤيتهما» ثم قال: «ينادي منادٍ: ليذهب كلُّ قوم إلى ما كانوا يعبدون، فيذهب أصحابُ الصليب مع صليبهم، وأصحابُ الأوثان مع أوثانهم، وأصحابُ كلِّ آلهةٍ مع آلهتهم، حتى يبقى من كان يعبد اللهَ، مِن بَرٍّ أو فاجر، وغُبَّرات من أهل الكتاب، ثم يؤتى بجهنم تعرضُ كأنها سَرابٌ، فيقال لليهود: ما كنتم تعبدون؟ قالوا: كنا نعبد عُزَير ابنَ الله، فيقال: كذبتم، لم يكن لله صاحبة ولا ولد، فما تريدون؟ قالوا: نريد أن تسقيَنا، فيقال: اشربوا، فيتساقطون في جهنم، ثم يقال للنصارى: ما كنتم تعبدون؟ فيقولون: كنا نعبد المسيحَ ابن الله، فيقال: كذبتم، لم يكن لله صاحبة، ولا ولد، فما تريدون؟ فيقولون: نريد أن تسقيَنا، فيقال: اشربوا فيتساقطون في جهنم، حتى يبقى من كان يعبد الله من بَرٍّ أو فاجر، فيقال لهم: ما يحبسكم وقد ذهب الناس؟ فيقولون: فارقناهم، ونحن أحوجُ منا إليه اليوم، وإنَّا سمعنا مناديًا ينادي: ليَلْحقْ كلُّ قوم بما كانوا يعبدون، وإنما ننتظر ربَّنا، قال: فيأتيهم الجَبَّار في صورة غير صورتِه التي رأوه فيها أولَ مرة، فيقول: أنا ربُّكم، فيقولون: أنت ربُّنا، فلا يُكَلِّمُه إلا الأنبياء، فيقول: هل بينكم وبينه آيةٌ تعرفونه؟ فيقولون: الساق، فيَكشِفُ عن ساقه، فيسجد له كلُّ مؤمن، ويبقى من كان يسجد لله رِياءً وسُمْعَة، فيذهب كيما يسجد، فيعود ظهرُه طَبَقًا واحدًا، ثم يؤتى بالجسر فيُجْعَل بين ظَهْرَي جهنم»، قلنا: يا رسول الله، وما الجسر؟ قال: «مَدْحَضةٌ مَزَلَّةٌ، عليه خطاطيفُ وكَلاليبُ، وحَسَكَةٌ مُفَلْطَحَةٌ لها شوكةٌ عُقَيْفاء تكون بنَجْد، يقال لها: السَّعْدان، المؤمن عليها كالطَّرْف وكالبَرْق وكالرِّيح، وكأَجاويد الخيل والرِّكاب، فناجٍ مُسَلَّمٌ، وناجٍ مَخْدوشٌ، ومَكْدُوسٌ في نار جهنم، حتى يمرَّ آخرُهم يسحب سحبًا، فما أنتم بأشد لي مُناشدةً في الحق قد تبيَّن لكم من المؤمن يومئذ للجَبَّار، وإذا رأَوْا أنهم قد نَجَوْا، في إخوانهم، يقولون: ربنا إخواننا، كانوا يصلون معنا، ويصومون معنا، ويعملون معنا، فيقول الله تعالى : اذهبوا، فمن وجدتُم في قلبه مِثْقالُ دِينار من إيمان فأخرجوه، ويُحَرِّمُ اللهُ صُوَرَهم على النار، فيأتونهم وبعضُهم قد غاب في النار إلى قدمِه، وإلى أنصاف ساقَيْه، فيُخْرِجون مَن عَرَفوا، ثم يعودون، فيقول: اذهبوا فمَن وجدتُم في قلبه مِثْقال نصف دينار فأخرجوه، فيُخْرِجون مَن عَرَفوا، ثم يعودون، فيقول: اذهبوا فمن وجدتم في قلبه مِثْقال ذرة من إيمان فأخرجوه، فيُخْرِجون مَن عَرَفوا» قال أبو سعيد: فإنْ لم تُصَدِّقوني فاقرءوا: {إنَّ اللهَ لا يَظْلِمُ مِثْقَالَ ذَرَّةٍ وإنْ تَكُ حَسَنَةً يُضَاعِفْهَا} «فيشفعُ النبيُّون والملائكة والمؤمنون، فيقول الجَبَّار: بَقِيَتْ شفاعتي، فيَقْبِض قَبْضَةً من النار، فيُخْرِجُ أقوامًا قدِ امْتَحَشُوا، فيُلْقَوْن في نهرٍ بأفواه الجنة، يقال له: ماء الحياة، فيَنْبُتون في حافَّتَيْه كما تَنْبُتُ الحِبَّة في حَمِيل السَّيْل، قد رأيتُموها إلى جانب الصَّخْرة، وإلى جانب الشجرة، فما كان إلى الشمس منها كان أخضر، وما كان منها إلى الظِّلِّ كان أبيض، فيخرجون كأنَّهم اللؤلؤ، فيُجعل في رقابهم الخَوَاتيم، فيَدخلون الجنة، فيقول أهل الجنة: هؤلاء عُتَقاءُ الرحمن، أدخلهم الجنةَ بغير عَمَلٍ عملوه، ولا خيرٍ قَدَّموه، فيقال لهم: لكم ما رأيتم ومثلُه معه».
[صحيح] - [متفق عليه]
المزيــد ...

'Ayon kay Abū Sa`īd Al-Khudrīy, malugod si Allāh sa kanya: Nagsabi kami: "O Sugo ni Allah, makikita ba namin ang Panginoon namin sa Araw ng Pagkabuhay?" Nagsabi siya: "Napipinsala ba kayo sa pagkakita ng araw at buwan kapag maaliwalas?" Nagsabi kami: "Hindi po." Nagsabi siya: "Kaya tunay na kayo ay hindi mapipinsala sa pagkakita sa Panginoon ninyo sa Araw na iyon malibang gaya pagkakita ninyo sa dalawang iyon." Pagkatapos ay nagsabi siya: "May mananawagang isang tagapanawagan: 'Pumunta ang bawat [pangkat ng] mga tao sa sinasamba nila noon.' Kaya pupunta ang mga alagad ng krus kasama ng krus nila, ang mga alagad ng mga anito kasama ng mga anito nila, at ang mga alagad ng lahat ng mga diyos kasama ng mga diyos nila hanggang sa maiwan ang sinumang sumasamba noon kay Allah na mabuting-loob o masamang-loob, at mga tira-tira mula sa mga May Kasulatan. Pagkatapos ay dadalhin ang Impiyerno, na itinatambad na para bang ito ay malikmata at sasabihin sa mga Hudyo: 'Ano ang sinasamba ninyo noon?' Magsasabi sila: 'Kami noon ay sumasamba kay `Uzayr na anak ni Allah.' Kaya sasabihin: 'Nagsinungaling kayo; hindi nangyaring nagkaroon si Allah ng isang asawa ni anak kaya ano ang nanaisin ninyo?' Magsasabi sila: 'Ninanais naming painumin Mo kami.' Kaya sasabihin: 'Uminom kayo,' at magbabagsakan sila sa Impiyerno. Pagkatapos ay sasabihin sa mga Kristiyano: 'Ano ang sinasamba ninyo noon?' Magsasabi sila: 'Kami noon ay sumasamba sa Kristo na anak ni Allah.' Kaya sasabihin: 'Nagsinungaling kayo; hindi nangyaring nagkaroon si Allah ng isang asawa ni anak kaya ano ang nanaisin ninyo?' Magsasabi sila: 'Ninanais naming painumin Mo kami.' Kaya sasabihin: 'Uminom kayo,' at magbabagsakan sila sa Impiyerno, hanggang sa maiwan ang sinumang sumasamba noon kay Allah na mabuting-loob o masamang-loob. Sasabihin sa kanila: 'Ano ang pumipigil sa inyo samantalang umalis na ang mga tao?' Kaya magsasabi sila: 'Nakipaghiwalay kami sa kanila noong kami ay higit na nangangailangan kaysa sa ngayon. Tunay na kami ay nakarinig ng isang tagapanawagang nananawagan: Sumama ang bawat [pangkat ng] mga tao sa sinasamba nila noon. Naghihintay lamang kami sa Panginoon namin.'" Magsasabi siya: "Kaya pupuntahan sila ng [Panginoong] Palasiil sa isang anyong hindi ang anyo Niya, na nakita nila Siya sa unang pagkakataon, at magsasabi Siya: 'Ako ay Panginoon ninyo.' Kaya magsasabi sila: 'Ikaw ay Panginoon namin.' Walang kakausap sa Kanya maliban sa mga propeta at magsasabi Siya: 'Sa pagitan ba ninyo at Niya ay may isang tandang makikilala ninyo Siya?' Kaya magsasabi sila: 'Ang lulod.' Maglalantad ng lulod Niya kaya magpapatirapa sa Kanya ang bawat Mananampalataya at maiiwan ang sinumang nagpapatirapa noon kay Allah bilang pakita at parinig kaya magtatangkang magpatirapa ngunit ang likod ay magiging iisang buto. Pagkatapos ay dadalhin ang tulay at ilalagay sa pagitan ng dalawang gilid ng Impiyerno." Kaya nagsabi kami: "O Sugo ni Allah, ano ang tulay?" Nagsabi siya: "Madulas, nakatitisod, na sa ibabaw nito ay may mga pangawit, mga panungkit, at pantinik na malapad na may baluktot na tinik na nasa Najd, na tinatawag na As-Sa`dān. Ang Mananampalataya [ay tatawid] sa ibabaw gaya ng kisap-mata, gaya ng kidlat, gaya ng hangin, at gaya ng mabibilis na mga kabayo at mga sasakyang kamelyo. Kaya may nakaliligtas na napangalagaan, nakaliligtas na nagasgasan, at nabuwal sa apoy ng Impiyerno, hanggang sa dumaan ang pinakahuli sa kanila na kinakaladkad. Kayo ay hindi higit na matindi para sa akin sa paghiling sa karapatan, na luminaw nga para sa inyo kaysa sa Mananampalataya, sa [Panginoong] Palasiil, kapag nakita nila na sila ay nakaligtas nga, para sa mga kapatid nila." Magsasabi sila: "Panginoon namin, [iligtas] ang mga kapatid namin. Sila noon ay nagdarasal kasama namin, nag-aayuno kasama namin, at gumagawa kasama namin." Kaya magsasabi si Allah, pagkataas-taas Niya: "Pumunta kayo, at ang sinumang matagpuan ninyong sa puso niya ay may simbigat ng dinar na pananampalataya ay palabasin ninyo siya." Ipagkakait ni Allah ang mga mukha nila sa apoy. Pupuntahan nila ang mga iyon habang ang ilan sa mga iyon ay lumubog na sa apoy hanggang sa paa at hanggang sa mga kalahati ng mga lulod. Palalabasin nila ang sinumang nakilala nila. Pagkatapos ay babalik sila at magsasabi Siya: "Pumunta kayo, at ang sinumang matagpuan ninyong sa puso niya ay may singbigat ng dinar na pananampalataya ay palabasin ninyo siya." Palalabasin nila ang sinumang nakilala nila. Nagsabi si Abū Sa`īd Al-Khudrīy: "Kaya kung hindi kayo naniwala sa akin ay bigkasin ninyo (Qur'ān 4:40): Tunay na si Allah ay hindi lumalabag sa katarungan ng kahit kasimbigat ng maliit na langgam man. Kung may isang magandang nagawa, pag-iibayuhin niya [ang gantimpala]..." Mamamagitan ang mga propeta, ang mga anghel, at ang mga Mananampalataya kaya magsasabi ang [Panginoong] Palasiil: "Naiwan ang Pamamagitan ko." Kaya dadakot Siya ng isang dakot mula sa Impiyerno at magpapalabas Siya ng [mga pangkat ng] mga taong nasunog na. Itatapon sila sa isang ilog sa mga bukana ng Paraiso, na tinatawag na Tubig ng Buhay. Tutubo sila sa dalawang pangpang nito gaya ng pagtubo ng buto sa inanod ng baha. Nakita na ninyo ito sa tabi ng bato at sa tabi ng punong-kahoy. Ang nasa dakong araw mula rito ay luntian at ang nasa dakong lilim mula rito ay puti. Lalabas silang para bang sila ay mga perlas. Lalagyan sila sa mga leeg nila ng mga kuwintas. Papasok sila sa Paraiso. Magsasabi ang mga naninirahan sa Paraiso: "Ang mga ito ay mga pinalaya ng [Panginoong] Napakamaawain. Pinapasok Niya sila sa Paraiso nang walang gawang ginawa nila at walang kabutihang ipinauna nila." Sasabihin sa kanila: "Ukol sa inyo ang nakita ninyo at tulad niyon kasama niyon."
[Tumpak] - [Napagkaisahan ang katumpakan]

Ang pagpapaliwanag

Tinanong ang Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, ng ilan sa mga Kasamahan niya: "Makikita po ba namin ang Panginoon namin sa Araw ng Pagkabuhay?" Nagsabi sa kanila ang Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan: "Oo; makikita ninyo ang Panginoon ninyo sa Araw ng Pagkabuhay gaya ng pagkakita ninyo sa araw sa katanghaliang-tapat at sa buwan sa gabi ng kabilugan nang walang siksikan at walang pakikipag-agawan." Ang pagwawangis ay naganap lamang sa kalinawan at paglaho ng duda, hirap, at pagtatalo. Ito ay isang pagwawangis ng pagkakita sa pagkakita hindi ng nakita sa nakita. Ang pagkakitang ito ay hindi pagkakitang gantimpala sa mga tinangkilik [ni Allah] ni pagpaparangal sa kanila sa Paraiso yayamang ito ay para sa pagtatangi sa pagitan ng sumamba kay Allah at sumamba sa iba pa sa Kanya. Pagkatapos ay ipinabatid ng Sugo ni Allah, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, na may mananawagang isang tagapanawagan sa Araw ng Pagkabuhay: "Ang sinumang sumasamba noon sa anuman bukod pa kay Allah ay sumunod siya roon." Nasaad sa isang tumpak na sanaysay na si Allah ang manawagan, napakamaluwalhati Niya. Titipunin ang sinumang sumasamba noon sa mga anito bukod pa kay Allah at ihahagis sila sa apoy ng Impiyerno. Walang matitira kundi ang sinumang sumasamba noon kay Allah, tumatalima man o sumusuway, at ilan sa kaunting natirang Hudyo at Kristiyano. Ang karamihan sa kanila at ang nakahihigit sa kanila ay ihahatid nga kasama ng mga diyus-diyusan nila patungo sa Impiyerno. Dadalhin ang Impiyerno at itatambad sa mga tao sa tindigang iyon. Para bang ito ay malikmata. Idudulog ang mga Hudyo at sasabihin sa kanila: "Sino ang sinasamba ninyo noon?" Magsasabi sila: "Kami noon ay sumasamba kay `Uzayr na anak ni Allah." Kaya sasabihin sa kanila: "Nagsinungaling kayo sa sabi ninyong si `Uzayr ay anak ni Allah sapagkat tunay na si Allah ay hindi nagkaroon ng asawa ni anak." Pagkatapos ay sasabihin sa kanila: "Kaya ano ang ninanais ninyo?" Magsasabi sila: "Ninanais naming uminom." Ang unang kahilingan nila ay tubig dahil sa tindigang iyon ay titindi ang uhaw dahil sa pagkakasunud-sunod ng mga pighati at pagkakapatung-patong ng mga kasawiang nakapangingilabot. Inihalintulad sa kanila ang Impiyerno na para bang ito ay tubig at sasabihin sa kanila: "Pumunta kayo sa nakikita ninyo at inaakala ninyong tubig at uminom kayo." Pupunta naman sila at matatagpuan nila ang Impiyerno na binabasag ng ilang bahagi nito ang ibang bahagi dahil sa tindi ng pagkaningas nito at paghahampasan ng mga alon ng liyab nito. Magsisilaglagan sila roon. Ang tulad niyon ay sasabihin sa mga Kristiyano matapos nila. Hanggang sa kapag wala nang natira maliban sa sumasamba noon kay Allah, na tumatalima at sumusuway, sasabihin sa kanila: "Ano ang nagpapatigil sa inyo sa tindigang ito gayong umalis na ang mga tao?" Magsasabi sila: "Nakipaghiwalay kami sa mga tao sa Mundo noong kami ay higit na nangangailangan sa kanila kaysa sa sarili namin. Iyon ay dahil sa sila ay sumuway kay Allah at sumalungat sa utos Niya kaya inaway namin sila dahil doon bilang pagkasuklam sa kanila alang-alang kay Allah at bilang pagtatangi sa pagtalima sa Panginoon namin habang kami ay naghihintay sa Panginoon naming sinasamba namin sa Mundo." Pupuntahan sila ni Allah, pagkataas-taas Niya, sa anyong hindi ang anyong nakita nila sa unang pagkakataon. Dito ay may tahasang paglilinaw na sila ay nakakita na sa Kanya sa isang anyong nakilala nila Siya bago Siya pumunta sa kanila sa pagkakataong ito. Hindi tutumpak na bigyang-pakahulugan ang anyo, bagkus kinakailangan ang pananampalataya rito nang walang pagpapaliwanag sa kahulugan ni pagtutulad, at nang walang paglilihis sa kahulugan ni pag-aalis sa kahulugan. Kapag pinuntahan sila ni Allah, pagkataas-taas Niya, magsasabi Siya sa kanila: "Ako ay Panginoon ninyo." Magsasabi naman sila: "Ikaw ay Panginoon namin," bilang pagkatuwa at pagkagalak. Sa sandaling iyon, walang kakausap kay Allah, napakamaluwalhati Niya, kundi ang mga propeta. Magsasabi Siya sa kanila: "Sa pagitan ba ninyo at Niya ay may isang tandang makikilala ninyo Siya sa pamamagitan niyon?" Kaya magsasabi naman sila: "Ang lulod." Kaya maglalantad Siya, napakamaluwalhati Niya, ng lulod Niya kaya makikilala Siya ng mga Mananampalataya dahil doon at magpapatirapa sila sa Kanya. Ang mga nagkukunwaring sumampalataya naman, na mga nagpapakita sa mga tao ng pagsamba nila, ay pipigilan sa pagpapatirapa. Ang mga likod nila ay gagawing iisang buto. Hindi nila makakayang yumukod ni magpatirapa dahil sila noon sa katotohanan ay hindi nagpapatirapa kay Allah sa Mundo. Sila noon ay nagpapatirapa lamang dahil sa mga makamundong layunin. Nasaad doon ang pagpapatibay sa pagkakaroon ng lulod bilang isang katangian para kay Allah, pagkataas-taas Niya. Ang ḥadīth na ito at ang tulad nito ay nagiging pagpapakahulugan sa sabi ni Allah (Qur'ān 68:42): "Sa Araw na magtatambad ng isang lulod [ni Allah] at tatawagin sila para sa pagpapatirapa ngunit hindi nila makakaya..." Ang pagpapakahulugan sa "lulod" sa talatang ito bilang kasawian o kapighatian ay hindi matimbang. Kinakailangan kalakip doon ang pagpapatibay sa katangian ng pagkakaroon ng lulod para kay Allah, pagkataas-taas Niya, mula sa Sunnah. Ang pagpapatunay ng talata [ng Qur'ān] sa katangian ay ang matimbang at ang pinakatumpak. Iyon ay sa pamamagitan nang walang pagpapaliwanag sa kahulugan ni pagtutulad, at nang walang paglilihis sa kahulugan ni pag-aalis sa kahulugan. Pagkatapos ay dadalhin ang landasin (ṣirāṭ) at ilalagay sa gitna ng Impiyerno. Ang landasing ito ay hindi nakakakapit dito ang mga paa at hindi tumatatag ang tayo. Sa ibabaw nito ay may mga pangawit, bakal na binaluktot at pinatalas, upang mahawakan ang sinumang ninais hablutin gamit nito. Ito ay malapit sa panungkit. Sa ibabaw ng landasin din ay may mga tinik na malapad. Daraan ang mga tao sa landasing ito ayon sa sukat ng pananampalataya nila at mga gawa nila. Ang sinumang ang pananampalataya ay buo at ang gawa niya ay matuwid na inilalaan kay Allah, tunay na siya ay daraan sa ibabaw ng Impiyerno gaya ng isang kislap ng paningin. Ang sinumang mababa pa roon, ang pagdaan niya ay magiging ayon sa pananampalataya niya at gawa niya, gaya ng pagdedetalye niyon sa ḥadīth at paghahalintulad sa kidlat, hangin, at iba pa. Ang mga daraan sa landasin ay apat na uri. A. Ang maliligtas na mapangangalagaan sa pananakit. Ang mga ito ay magkakaiba-iba sa bilis ng pagdaan roon gaya ng naunang nabanggit. B. Ang maliligtas na magagasgasan. Ang gasgas ay ang magaang sugat. Nangangahulugan ito na siya ay masasagi ng paso ng Impiyerno o masasagi siya nang may gasgas ng mga pangawit at mga panungkit na nasa ibabaw ng landasin. C. Ang nabuwal sa Impiyerno, ang itinapon nang malakas doon. D. Ang kakaladkarin sa ibabaw ng landasin dahil nanghina ang mga gawa niya sa pagdala sa kanya. Pagkatapos ay nagsabi ang Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan: "Kayo ay hindi higit na matindi para sa akin sa paghiling sa karapatan, na luminaw nga para sa inyo kaysa sa Mananampalataya, sa [Panginoong] Palasiil..." Ito ay bahagi ng pagkamapagbigay ni Allah at awa Niya yayamang nagpahintulot Siya sa mga lingkod Niyang mga Mananampalataya sa paghiling sa Kanya at paghingi ng paumanhin Niya para sa mga kapatid nilang itinapon sa Impiyerno dahilan sa mga krimen nilang ihinaharap nila noon sa Panginoon nila. Sa kabila niyon, inudyukan Niya ang mga Mananampalatayang nakaligtas sa kaparusahan ng Impiyerno at hilakbot sa landasin, iniudyok Niya sa kanila ang paghiling sa Kanya at ang Pamamagitan alang-alang sa mga iyon. Ipinahintulot Niya sa kanila iyon bilang awa mula sa Kanya para sa mga iyon, mapagpala Siya at pagkataas-taas Niya. Magsasabi sila: "Panginoon namin, [iligtas] ang mga kapatid namin. Sila noon ay nagdarasal kasama namin, nag-aayuno kasama namin, at gumagawa kasama namin." Ang mauunawaan dito ay na ang mga nagdarasal kasama ng mga Muslim ngunit hindi nag-aayuno kasama nila ay hindi sila mamagitan alang-alang sa mga iyon at hindi sila hihiling sa Panginoon nila alang-alang sa mga iyon. Ito ay nagpapatunay na ang yaong mga pinatutungkulan ng paghiling ng mga Mananampalataya sa Panginoon nila alang-alang sa mga iyon ay mga Mananampalataya, mga naniniwala sa kaisahan [ni Allah] batay sa sabi nila: "ang mga kapatid namin. Sila noon ay nagdarasal kasama namin, nag-aayuno kasama namin..." subalit nakagawa ang mga iyon ng ilan sa mga kasalanan na nag-obliga sa kanila sa pagpasok sa Impiyerno. Mayroon ditong tugon sa dalawang pangkating naligaw, ang Mu`tazilah at ang Khawārij, sa sabi nila: "Tunay na ang sinumang pumasok sa Impiyerno ay hindi makalalabas mula roon at tunay na ang nagtaglay ng malaking kasalanan ay [mananatili] sa Impiyerno." Magsasabi si Allah, pagkataas-taas Niya, sa kanila: "Pumunta kayo, at ang sinumang matagpuan ninyong sa puso niya ay may simbigat ng dinar na pananampalataya ay palabasin ninyo siya." Ipagkakait ni Allah sa apoy na makain nito ang mga mukha nila. Pupuntahan nila ang mga iyon at matatagpuan nilang ang ilan sa mga iyon ay inabot na ng apoy hanggang sa paa at ang iba naman sa mga iyon ay hanggang sa mga kalahati ng mga lulod. Palalabasin nila ang sinumang nakilala nila sa mga iyon. Pagkatapos ay babalik sila at magsasabi si Allah sa kanila: "Pumunta kayo, at ang sinumang matagpuan ninyong sa puso niya ay may singbigat ng kalahating dinar na pananampalataya ay palabasin ninyo siya." Palalabasin nila ang sinumang nakilala nila sa mga iyon. Sa sandaling iyon ay nagsabi si Abū Sa`īd Al-Khudrīy: "Kaya kung hindi kayo naniwala sa akin ay bigkasin ninyo (Qur'ān 4:40): Tunay na si Allah ay hindi lumalabag sa katarungan na kahit kasimbigat ng maliit na langgam man. Kung may isang magandang nagawa, pag-iibayuhin Niya [ang gantimpala] rito..." Ang paggamit ni Abū Sa`īd Al-Khudrīy sa talata [ng Qur'ān] bilang patunay ay nagpapakitang ang tao, kapag siya ay nagkaroong kasimbigat ng maliit na langgam na pananampalataya, tunay na si Allah ay mag-iibayo nito para sa kanya at ililigtas siya dahilan dito. Pagkatapos ay nagsabi siya: "Mamamagitan ang mga propeta, ang mga anghel, at ang mga Mananampalataya..." Ito ay tahasang pahayag na ang tatlong pangkat na ito ay mamamagitan subalit kinakailangang malamang ang Pamamagitan ng alinmang tagapamagitan ay hindi tatalab malibang matapos na nagpahintulot si Allah doon, gaya nang naunang nabanggit sa paghiling nila sa Panginoon nila at paghingi nila sa Kanya, pagkatapos ay nagpahintulot Siya sa kanila at nagsabi Siya: "Pumunta kayo, at ang sinumang matagpuan ninyong..." Ang sabi niya: "kaya magsasabi ang [Panginoong] Palasiil: 'Naiwan ang Pamamagitan ko.' Kaya dadakot Siya ng isang dakot mula sa Impiyerno at magpapalabas Siya ng [mga pangkat ng] mga taong nasunog na." Ang tinutukoy ng Pamamagitan Niya, pagkataas-taas Niya, ay ang awa Niya sa mga pinagdurusang iyon, kaya ilalabas Niya sila mula sa Impiyerno. Ang sabi niya: "Kaya dadakot Siya ng isang dakot..." ay nagsasaad ng pagpapatibay sa pagdakot para kay Allah, pagkataas-taas Niya. Kay rami sa Aklat ni Allah, pagkataas-taas Niya, at Sunnah ng Sugo Niya, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, ng tekstong nagpapatibay sa [pagkakaroon Niya ng] kamay at pagdakot subalit ang mga kampon ng pagbibigay-pakahulugang tiwali, ang mga naglilihis sa kahulugan, ay tumatanggi sa pagtanggap niyon at sa pananampalataya roon. Malalaman nilang ang katotohanan ay ang sinabi ni Allah at sinabi ng Sugo Niya, at na sila ay naligaw nga ng landas sa paksang ito. Kaya dadakot si Allah, napakamaluwalhati Niya, ng isang dakot mula sa Impiyerno at magpapalabas Siya [ng mga pangkat] ng mga taong nasunog na at mga naging uling. Ang sabi niya: "Itatapon sila sa isang ilog sa mga bukana ng Paraiso..." Nangangahulugan ito: "Ihahagis sila sa ilog sa mga gilid ng Paraiso na kilala bilang Tubig ng Buhay: ang tubig na mabubuhay ang sinumang nalublob doon. Sa sandaling iyon, tutubo ang mga laman nila, ang mga paningin nila, at ang mga buto nila, na nasunog sa Impiyerno, sa tabi ng ilog na ito. Ang sabi niya: "gaya ng pagtubo ng buto sa inanod ng baha. Nakita na ninyo ito sa tabi ng bato at sa tabi ng punong-kahoy. Ang nasa dakong araw mula rito ay luntian at ang nasa dakong lilim mula rito ay puti..." ay ipinakakahulugan niyon ang bilis ng paglabas ng mga laman nila dahil ang pagtubo sa inanod ng baha - gaya ng nabanggit - ay lumalabas nang mabilis. Dahil dito, ang nasa dakong lilim ay puti at ang nasa dakong araw ay luntian. Iyon ay dahil sa kahinaan nito at kalambutan nito. Hindi naoobligang ang pagtubo nila ay gayon gaya ng sinabi ng iba sa kanila na ang nasa tabi ng Paraiso ay puti at ang nasa tabi ng Impiyerno ay magiging luntian, bagkus ang tinutukoy ay ang pagwawangis sa kanila sa pagtubong nabanggit sa bilis ng paglabas nito at kalambutan nito. Dahil doon, nagsabi siya: "Lalabas silang para bang sila ay mga perlas." Nangangahulugan ito: "Sa kadalisayan ng kutis nila at kagandahan nito." Ang sabi niya: "Lalagyan sila sa mga leeg nila ng mga kuwintas." Ang mga kuwintas na ito ay susulatan ng ganito: "Ang mga ito ay mga pinalaya ng Napakamaawain mula sa Impiyerno," gaya na nabanggit sa ibang sanaysay. Ang sabi niya: "Papasok sila sa Paraiso. Magsasabi ang mga naninirahan sa Paraiso: 'Ang mga ito ay mga pinalaya ng [Panginoong] Napakamaawain. Pinapasok Niya sila sa Paraiso nang walang gawang ginawa nila at walang kabutihang ipinauna nila." Nangangahulugan itong: "Sila ay hindi gumawa ng matuwid sa Mundo at taglay nila lamang ang ugat ng pananampalataya, ang pagsaksi na walang Diyos kundi si Allah, at ang pananampalataya sa Sugo nila." Ang sabi niya: "Sasabihin sa kanila: 'Ukol sa inyo ang nakita ninyo at tulad niyon kasama niyon.'" Lumilitaw na sila ay papasok sa mga pook na walang laman sa Paraiso at dahil dito ay sinabi sa kanila iyon.

Ang Salin: Ang Balarila ng Wikang Ingles Ang Wikang Urdu Espanyol Ang Wikang Indonesiyano Ang Wikang Bangla Ang Wikang Pranses Ang Wikang Turko Ang Wikang Ruso Ang Wikang Bosniyo Sinhala Indian Ang Wikang Tsino Ang Wikang Persiyano Vietnamese Kurdish Hausa Portuges
Paglalahad ng mga salin
Ang karagdagan