+ -

عن عائشة رضي الله عنها ، أنَّها قالت: «الحمد لله الذي وَسِعَ سمعه الأصوات، لقد جاءت خَوْلةُ إلى رسول الله صلى الله عليه وسلم تشكو زوجَها، فكان يخفى عليَّ كلامها، فأنزل الله عز وجلَّ: {قد سمع الله قول التي تجادلك في زوجها وتشتكي إلى الله والله يسمع تَحَاوُرَكُما} [المجادلة: 1]» الآية
[صحيح] - [رواه البخاري معلَّقًا بصيغة الجزم، ووصله النسائي وابن ماجه وأحمد]
المزيــد ...

Ayon kay `Ā’ishah, malugod si Allāh sa kanya, siya ay nagsabi: "Ang papuri ay ukol kay Allāh na nasaklawan ng pandinig Niya ang mga tunog. Talaga ngang dumating si Khawlah sa Sugo ni Allāh, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, na idinadaing ang asawa niya, ngunit nakakubli sa akin ang pananalita niya, kaya ibinaba ni Allāh, kamahal-mahalan Siya at kapita-pitagan, ang (Qur'ān 58:1): Narinig nga ni Allāh ang sinabi ng babae na nakikipagtalo sa iyo hinggil sa asawa niya at dumaraing kay Allāh. Si Allāh ay nakaririnig sa talakayan ninyong dalawa..."
[Tumpak] - [Isinalaysay ito ni Imām Ibnu Mājah - Isinaysay ito ni Imām Al-Bukhārīy - Isinaysay ito ni Imām An-Nasā’īy - Isinaysay ito ni Imām Aḥmad]

Ang pagpapaliwanag

Si Khawlah bint Tha`labah ay maybahay noon ni Aws bin Aṣ-Ṣāmit at nagsabi ito sa kanya: "Ikaw para sa akin ay gaya ng likod ng ina ko." Nangangahulugan itong: "Ikaw ay hindi ipinahihintulot maging maybahay sa akin." Pumunta siya sa Sugo ni Allāh, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, at binanggit doon ang kuwento niya. Nagsabi sa kanya ang Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan: "Naging bawal ka na sa kanya." Kaya nagsimula siyang magsabi sa mahinang tinig na nakalingid kay `Ā’ishah sa kabila ng lapit nito sa kanya: "Matapos akong tumanda ay itutulad niya ako sa likod ng ina niya? Kay Allāh ko idaraing ang kalagayan ng mga bata. Kung kakandiliin ko sila sa akin, magugutom sila; kung iiwan ko sila sa kanya, mapapariwara sila." Ito ang pakikipagtalo niya sa Sugo, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, na binanggit ni Allāh, pagkataas-taas Niya, sa sabi Niya (Qur'ān 58:1): "Narinig nga ni Allāh ang sinabi ng babae na nakikipagtalo sa iyo hinggil sa asawa niya at dumaraing kay Allāh. Si Allāh ay nakaririnig sa talakayan ninyong dalawa..." Kaya nagsabi si `Ā’ishah: "Ang papuri ay ukol kay Allāh na nasaklawan ng pandinig Niya ang mga tunog." Nangangahulugan itong: naunawaan Niya ang mga ito at natalos ang mga ito kaya walang anumang makakawala sa mga ito kahit pa man nakakubli. "Talaga ngang dumating si Khawlah sa Sugo ni Allāh, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, na idinadaing ang asawa niya, ngunit nakakubli sa akin ang pananalita niya, kaya ibinaba ni Allāh, kamahal-mahalan Siya at kapita-pitagan, ang (Qur'ān 58:1): Narinig nga ni Allāh ang sinabi ng babae na nakikipagtalo sa iyo hinggil sa asawa niya at dumaraing kay Allāh. Si Allāh ay nakaririnig sa talakayan ninyong dalawa..." Nangangahulugan itong: Noong pumunta si Khawlah upang idaing ang asawa niya sa Sugo ni Allāh, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, ay nagsasalita siya sa mahinang tinig na hindi naririnig ni `Ā’ishah sa kabila ng lapit nito sa kanya. Sa kabila niyon, narinig ito ni Allāh, pagkataas-taas Niya, mula sa ibabaw ng pitong langit at ibinaba Niya ang nabanggit na talata ng Qur'ān. Ito ay kabilang sa pinakamariin sa mga patunay sa pagkakaroon ng katangian ni Allāh, pagkataas-taas niya, na pandinig. Ito ay isang bagay na hindi maiiwasang malamang bahagi ng Relihiyon. Walang nagkakaila rito maliban sa sinumang naligaw sa patnubay. Itong sabi ni `Ā’ishah ay nagpapatunay na ang mga Kasamahan, malugod si Allāh sa kanila, ay sumampalataya sa mga teksto ng Qur'ān ayon sa hayag na kahulugan ng mga ito na kaagad na natatalos ng pang-unawa. Ito ang ninais ni Allāh sa kanila at sa iba pa sa kanila na mga inatangan ng tungkulin sa Islām, at gayon din naman ang Sugo Niya, yayamang kung sakaling itong sinampalatayaan nila at pinaniwalaan nila ay mali, hindi na sana sila sinang-ayunan dito, hindi na sana nilinaw sa kanila ang tama, at hindi na sana dumating buhat sa isa sa kanila ang pakahulugan sa mga tekstong ito ayon sa mga hayag na kahulugan ng mga ito, hindi sa paraang tumpak ni mahina, sa kabila ng pagkakaroon ng mga pangangailangan sa paghahatid niyon.

Ang Salin: Ang Balarila ng Wikang Ingles Ang Wikang Urdu Espanyol Ang Wikang Indonesiyano Uyghur Ang Wikang Bangla Ang Wikang Pranses Ang Wikang Turko Ang Wikang Ruso Ang Wikang Bosniyo Indian Ang Wikang Tsino Ang Wikang Persiyano Kurdish Hausa
Paglalahad ng mga salin
Ang karagdagan