عن زيد بن خالد الجهني رضي الله عنه : «سئل رسول الله صلى الله عليه وسلم عن لُقَطَة الذهب، أو الوَرِق؟ فقال: اعرف وكِاَءَهَا وعِفَاصَهَا، ثم عَرِّفْهَا سَنَةً، فإن لم تُعرَف فاستنفقها، ولتكن وديعة عندك فإن جاء طالبها يوما من الدهر؛ فأدها إليه.
وسأله عن ضالة الإبل؟ فقال: ما لك ولها؟ دَعْهَا فإن معها حِذَاَءَهَا وسِقَاءَهَا، تَرِدُ الماء وتأكل الشجر، حتى يجدها رَبُّهَا.
وسأله عن الشاة؟ فقال: خذها؛ فإنما هي لك، أو لأخيك، أو للذئب».
[صحيح] - [متفق عليه]
المزيــد ...
Ayon kay Zayd bin Khālid Al-Juhanīy, malugod si Allāh sa kanya: Tinanong ang Sugo ni Allāh, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, tungkol sa napulot na ginto o napulot na pilak kaya nagsabi siya: "Kilalanin mo ang panali at ang sisidlan nito. Pagkatapos ay ipatatalastas mo nang isang taon. Kung hindi ito nakilala ay magugugol mo ito o maging isang impok ito sa piling mo. Kung dumating ang naghahanap nito isang araw ng panahon ay isauli mo ito sa kanya." Tinanong siya hinggil sa nawawala sa mga kamelyo kaya nagsabi siya: "Ano ang sa iyo roon? Hayaan mo iyon sapagkat tunay na taglay niyon ang paa niyon at ang sisidlan ng tubig niyon. Iinom iyon ng tubig at kakain ng [dahon ng] puno hanggang sa matagpuan iyon ng amo niyon." Tinanong siya hinggil sa tupa kaya nagsabi siya: "Kunin mo iyon sapagkat iyon ay tanging ukol sa iyo o ukol sa kapatid mo o ukol sa lobo."
[Tumpak] - [Napagkaisahan ang katumpakan]
Tinanong ng isang lalaki ang Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, tungkol sa hatol sa nawawalang ari-arian kaugnay sa may-ari nito gaya ng ginto, pilak, kamelyo, at tupa. Nilinaw sa kanya ng Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, ang hatol sa mga bagay na ito upang maging halimbawa sa mga kawangis ng mga ito na mga nawawalang ari-arian at ipatupad ang hatol niya. Nagsabi siya tungkol sa ginto at pilak: "Kilalanin mo ang panaling ipinambigkis at ang sisidlang pinaglagyan nito upang makita mo ang pagkakaiba sa ari-arian mo at upang maipabatid mo batay sa kaalaman mo roon sa sinumang mag-aangkin niyon. Kung umangkop ang paglalarawan ng nag-aangkin sa mga katangian nito, ibigay mo iyon sa kanya at kung hindi naman ay linawin mo sa kanya ang kawalang katumpakan ng pag-aangkin niya." Nag-utos siya na ipatalastas iyon nang isang buong taon matapos mapulot iyon. Ang pagpapatalastas ay nagaganap sa mga pinagtitipunan ng mga tao gaya ng mga palengke, mga pintuan ng mga masjid, mga pampublikong pook, at sa lugar ng pinagpulutan niyon. Pagkatapos ay ipinahihintulot sa kanya, matapos ang pagpapatalastas niyon ng isang taon at ang hindi pagkatagpo ng may-ari niyon, na magugugol iyon ngunit kapag dumating ang may-ari niyon sa anumang araw sa anumang panahon, ibibigay iyon sa may-ari. Tungkol naman sa nawawala sa mga kamelyo at tulad nito na kabilang sa mahirap mawala mismo, ipinagbawal niya ang pagpulot dito dahil ito ay hindi nangangailangang pag-ingatan. Ito, dahil sa kalikasan nito, ay may tagpag-ingat dahil ito ay may taglay na lakas sa pangangalaga sa sarili nito laban sa maliliit na mabangis na hayop. Ito ay may mga paang maipantatawid sa mga disyerto, leeg na maipang-aabot sa mga dahon ng mga kahoy at tubig, at sikmurang natitiis ang mahirap na pagkain. Ito ay nakapangangalaga ng sarili nito hanggang sa matagpuan ito ng amo nito na maghahanap dito sa lugar na kinawalan nito. Tungkol naman sa nawala sa mga tupa at tulad ng mga ito na maliliit na hayop, ang utos niya ay kunin ito bilang pangangalaga rito laban sa pagkalipol at paninila ng mababangis na hayop. Matapos makuha ito ay darating ang may-ari nito at kukunin ito o isasagawa para rito ang isang taong panawagan at mapupunta sa nakatagpo nito [kung walang umangkin].